MANILA, Philippines - Patay ang isang retiradong sundalo makaraang bistayin ng bala ng riding in tandem sa isang panaderia sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Abelardo Manangan, 52, operations manager ng Steel Hawk Security Agency at residente ng Katarungan St. Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa isang panaderia sa may Katuparan St. corner Kamagong sa nasabing lugar ganap na alas- 6 ng umaga.
Ayon kay Jennifer Manangan, asawa ng biktima, bumibili siya ng pandesal sa isang bakery nang bigla siyang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril at nang lumingon siya ay tumambad sa harapan niya na duguang katawan ng asawa habang nakahandusay sa lapag.
Sinasabing dalawang naka-bonnet na suspect na sakay ng isang Kawasaki na motorcycle ang mga salarin.
Bukod dito, siniguro pa umano ng mga suspect na patay ang biktima bago umalis dahil kahit nakahandusay na ay binabaril pa ito ng mga una.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang apat na basyo ng kalibre .9mm at limang basyo ng kalibre 45 na baril.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.