MANILA, Philippines - Ipatutupad na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang suspension order laban kay Caloocan City Mayor Recom Echiverri matapos matanggap ang kautusan mula sa Ombudsman, kahapon.
Ayon kay DILG Secretary Jesse Robredo, partikular na ihahain ang suspension order ng kanilang legal officer at Office of the Solicitor General sa tanggapan ni Mayor Echiverri sa Caloocan City alinsunod sa kautusan ng Ombudsman.
Giit ng kalihim, bagama’t nagbabanta si Echiverri na hindi siya aalis sa puwesto, dapat na sundin ang ipinag-uutos ng batas kahit sinuman ang pumipigil dito.
“Until such time na walang order ang DOJ (department of justice) ang batas pa rin ang kailangang ipatupad at dapat nating sundin ito,” sabi pa ni Robredo.
Sa sandaling ipatupad na anya ang suspension order ay maaari ng pumalit bilang alkalde dito ang bise alkalde na si Egay Erice, habang magsisilbing bise alkalde naman nito ang nanalong first councilor.
Napag-alaman na bukod kay Echiverri, kasama rin sa pinasususpinde ng Office of the Ombudsman sina City Treasurer Evelina Garma, City Budget Officer Jesusa Garcia at City Accountant Edna Centeno.
Ito ay kaugnay sa P38-milyon GSIS contributions na mga empleyado ng city hall na hindi umano na-remit ng pamahalaang lungsod ng Caloocan kung kaya nagkaroon ng problema sa loans at benefits ng mga empleyado.