Technician na pinagselosan, tinarakan

MANILA, Philippines - Tinarakan ng patalim sa dibdib ng isang 27-anyos na kelot ang lalaking kinakasama ngayon ng dati niyang live-in partner na nakipaghiwalay sa kanya, bilang paghihiganti kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.

Kritikal ngayon sa Las Piñas Doctor’s Hospital ang biktimang si Rex Empleo, 37, cellphone technician, at residente ng Aratiles St., Brgy. CAA, ng naturang lungsod. Pinaghahanap naman ngayon ang nakatakas na suspek na si Pedro Jacla, ng Manuka, Phase 5, Manyo 2, ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng Las Piñas Police, naganap ang pananaksak dakong alas-7 ng gabi sa may Saging St., Brgy. CAA. Nabatid na magkasama si Empleo at ang kinakasama na si Liezel Etucas, 27, nang maispatan ni Jacla na matagal nang hinahanting ang dalawa. Papasakay na sina Empleo at Etucas ng motorsiklo nang sumulpot si Jacla at agad na tarakan ng patalim sa dibdib ang biktima. Hindi naman nawalan ng loob ang biktima na nagawang manlaban pa sa suspek na tumakas bago pa makaresponde ang mga awtoridad sanhi upang hindi nito napuruhan ang target na biktima.

Sinabi ni Etucas sa pulisya na posibleng hindi pa rin maalis ang matinding panibugho ni Jacla sa kanyang kalive-in dahil limang taon din silang nagsama ng suspek bago niya nakilala si Empleo at makisama dito.

Show comments