Pulis-Crame inireklamo sa pamamalo ng baril
MANILA, Philippines - Anim-katao kabilang ang dalawang babae ang nagreklamo laban sa isang pulis na nakatalaga sa Camp Crame na sinasabing namalo ng baril, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Bukod sa itinuturong suspect na pinangalanan nilang si PO1 Tony Boy Alarde ng Bambang St., Tondo, isa pang alyas “Alvarez” ang kasama ng pulis sa pagwawala nito.
Sinabi ni PO3 Arvin Ca lub ng Manila Police District-General Assignment Section, dumulog sa kanilang tanggapan sina Alvin Tolentinio, 31; Wally, 31; Jenifer, 32; Jacquelin, 30; Enrique de Guzman, 40; at ang isang Richard Villa, 40, pawang residente ng Mayhaligue corner Yakal Street, Tondo.
Sinabi ng mga complainant na dakong alas-5 ng madaling-araw nang maganap ang insidente.
Sinasabing senglot ang nasabing pulis at isa pang lalaki na naghahanap kay PO1 Archie Cruz kung saan pinasok ang bahay ni Tolentino upang tanungin.
Sinabi ni Tolentino na hindi niya alam ang kinaroroonan ni PO1 Cruz kaya kaagad siyang pinukpok ng baril ng dahil sa duda na nagsisinungaling ito.
Maging ang mga babae ay sinaktan at pilit na ipinatuturo kung nasaan si PO1 Cruz hanggang sa magising ang pinsan ni Tolentino na si Wally na pinalo rin sa ulo at nang makita ang nag-uusyosong si De Guzman ay pinalo rin sa ulo ng baril.
Nagpaputok pa sa ere ang suspect nang lumabas ng bahay ni Tolentino at nang makita ang paparating na si Villa ay pinara ito at pinalo rin sa ulo.
Nahinto ang kaguluhan nang rumesponde na ang mga tauhan ng MPD-station 2.
Ayon kay P/Senior Insp. Ramon Meneses, deputy chief ng MPD-GAS, hindi pa nila maaksyunan ang reklamo dahil hinihintay pa nilang i-forward ng MPD-station 2 ang incident report.
- Latest
- Trending