Imported na paputok sumabog, 3 bahay wasak

MANILA, Philippines - Wasak ang tatlong bahay makaraang sumabog ang dalawang kahon ng imported na paputok na itinago sa isang stock room sa bahay ng isang doktor sa Pasig City kama­kalawa ng gabi.

Bunsod ng malakas na impak ng pagsabog ay natuklap ang kisame at nabasag ang mga salamin ng bahay ni Dr. Fernando Melendrez, 60, ng Dr. Sixto Antonio Ave., Brgy., Caniogan, Pasig City at da­lawa pang kalapit na tahanan.

Nagulantang ang mga re­sidente noong maganap ang pagsabog ganap na alas-8:00 ng gabi.

Ayon kay Sr. Supt. Jessie­ Cardona, Station Com­mander ng Pasig Police, maging siya ay nagresponde sa pagsabog dahil noong ma­ganap ang insidente ay hindi pa alam kung ano ang dahilan ng pagsabog hanggang lumitaw sa kanilang pagsisiyasat na dalawang kahon­ ng imported na paputok ang pinagmulan.

Sinasabing nainitan sa loob ng stock room ang mga nabanggit na paputok na may kabuuang 240 piraso na ga­gamitin sana sa nalalapit na selebrasyon ng pamilya ni Dr. Melendrez.

Sa kabutihang palad ay wala namang nasawi o kaya’y nasaktan sa pagsabog at inako­ na rin ni Dr. Melendrez ang pagpapagawa sa mga bahay na nasira.

Show comments