MANILA, Philippines - Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki matapos itong mabangga ng dalawang dambuhalang truck kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Inilarawan ang hindi pa nakikilalang bitkima na nasa pagitan ng edad na 30-35 anyos, nakasuot ng puting t-shirt na Adidas at nakamaong na pantalon. Isinugod pa ito sa Jose Reyes Memorial Medical Center ngunit patay na rin bago pa man dumating dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.
Agad namang nadakip ng pulisya ang dalawang driver na sina Roy Mesa, 36, ng Camalig, Meycauayan, Bulacan at Nicanor Joaquin, 31, ng Sulucan, Angat, Bulacan. Kapwa nahaharap ngayon ang dalawa sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.
Sa ulat ng Caloocan Police-Traffic Management Section, naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng madaling-araw sa may Circumferential (C-3) Road, malapit sa kanto ng Talakitok St., Kaunlaran Village, ng naturang lungsod.
Ayon kay Mesa, driver ng trailer truck (PUP-153) at Joaquin, driver naman ng Isuzu flatbed truck (CXF-914) na hindi umano nila napansin ang biktima at naramdaman na lamang na may nabangga sila nang may kumalabog. Sinabi naman ng ilang nakasaksi na tumatawid ang biktima nang hindi huminto ang mga trak at mabangga ito.