MANILA, Philippines - Nabaril at napatay ng isang biyudang certified public accountant (CPA) ang isang 26-anyos na lalaking lasing dahil sa umano’y panggugulo sa kanyang karinderya sa San Miguel, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Isinugod pa sa Ospital ng Maynila subalit idineklarang dead-on-arrival ang biktimang si Rodolfo Berona, ng Interior 2, Concepcion Aguila St., San Miguel, Maynila.
Sumuko naman sa rumespondeng mga tauhan ng pulisya si Wilma Billote, 48, at residente ng Concepcion Aguila St., ng nasabi ring lugar.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-12:45 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa tapat ng Jedaan Food Express na pag-aari ng suspect.
Nabatid mula sa suspect na maliit na bahagi ng kanilang karinderya na lamang ang bukas, nang dumating ang lasing na suspect na hindi na umano kumatok at itinulak ang pintuan ng tindahan na nakalimutang ikandado ng suspect.
Dito na nagsimulang magtalo ang dalawa at kung saan umalis ang biktima.
Bumalik muli ang biktima at tumuntong umano sa mahabang kahoy at sumilip sa butas ng tindahan at muling nakipagtalo.
“Nung nakita ko na may hawak siyang parang paltik na baril at yantok, natakot ako na baka maunahan pa niya ako o yung mga anak ko. Yung lalaki na anak ko 19-anyos, yung babae, 16 at may 12-anyos pa akong pamangkin kaya nung makuha ko yung baril ko, balak ko lang putukan siya sa tuhod para maparalyze. Hindi ko intensiyong pumatay. Kaso yumuko siya kaya yung bala sa dibdib daw tumama , lumabas sa puwet,” paliwanag ng biyuda.
Katunayan pa umano ay tumawag pa ito sa 117 upang maitakbo sa pagamutan ang biktima ngunit hindi na rin ito umabot pang buhay sa nasabing ospital.
Iginiit ng ginang na self-defense ang nangyari.