MANILA, Philippines - Problema umano sa pera ang itinuturong dahilan kung bakit nagawa ng isang empleyado na gilitan ang sarili upang wakasan ang kanyang buhay sa rooftop ng tinutuluyang apartment sa Mandaluyong City kamakalawa ng gabi.
Masuwerte namang naisalba pa rin ng mga doktor ng Mandaluyong City Medical Center ang buhay ni Ryan Espinosa, 23, at residente ng Block 20, Lot 129, Phase 1N- Site South Ville 8C, Brgy. San Isidro, Rizal.
Lumilitaw na dakong alas-7:45 ng gabi nang madiskubre ang tangkang pagpapakamatay ni Espinosa sa rooftop ng tinutuluyang CGB Apartment na nasa 468 Boni Avenue, corner Ballesteros St., Brgy. New Zaniga, Mandaluyong City.
Ayon kay Karem Sungahid, care taker ng apartment, pinuntahan niya ang isang tenant ng gusali upang ikonsulta ang kanilang linya ng cable nang madiskubre ang duguang biktima sa rooftop.
Kaagad umano nilang isinugod sa pagamutan ang biktima at masuwerteng naagapan ang buhay nito ng mga doktor, sa kabila ng gilit na tinamo sa kanyang leeg.
Ayon naman sa pulisya, mismong ang biktima ang nagsabi na financial problem ang dahilan ng tangkang pagpapakamatay nito.