Ex-PBA player timbog sa 'call-bypass scheme'
MANILA, Philippines - Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang dating Philippine Basketball Association (PBA) player na naaktuhang nag-ooperate ng call-bypass facility o pagpapatakbo ng conversion facility ng international calls sa local calls, na naging dahilan upang madaya ng milyong kita ang isang malaking telecommunication sa bansa.
Kinilala ni NBI-Technical Investigation Division (NBI-TID) Head Agent, Atty. Palmer Mallari ang suspect na si Rene Alforque, dating manlalaro ng Tanduay Rhum Masters at residente ng Radium St., San Andres Bukid, Maynila.
Ayon kay Mallari, naghain ng reklamo sa NBI noong nakalipas na buwan ang Globe Telecoms security director Ronal Uy hinggil sa iligal na operasyon ng suspect, na natukoy umano sa San Andres District. Nang isailalim sa inspeksiyon ay natukoy ang call bypass scheme sa lugar na dahilan upang hindi pumasok sa kita ng kanilang kompanya ang international calls.
Sinabi ni Uy na noon pang taong 2009 nang magsimula ang iligal na operasyon ni Alforque sa San Andres District.
Ang proseso ng nasabing call-bypass scheme ay ang pag-block umano sa international calls bago pa ito umabot sa international gateway facilities ng telecoms company. Ang dapat na international calls ay naiko-convert sa local calls gamit ang sim boxes at modems at karaniwang may mga kasabwat nang telephone operators sa ibayong dagat ang nagpapatakbo nito. Sila ang naniningil sa mas murang call rates sa halip na ang telecommunications company na gamit.
Sinabi pa ni Uy sa NBI, nito lamang Mayo at Hunyo ng taong kasalukuyan, umabot na sa P5-milyon ang nawala sa kanila, sa operasyon sa San Andres, lamang na kung susumahin umano mula noong taong 2009, umaabot na sa humigit-kumulang P100-milyon.
Bukod umano sa nawawalang kita ng nasabing kompanya, nalulugi rin ang gobyerno sa iligal na operasyon dahil nawawala ang dapat na buwis na ibabayad sa bawat kikitain sa international calls.
Isang masusing surveillance ang isinagawa sa lugar na itinuturo sa reklamo at naging positibo ito para kumuha ng search warrant kay Manila RTC Branch 21 Executive Judge Amor Reyes ang NBI.
Kamakalawa nang salakayin ang bahay ni Alforque.
Dinakip siya at kinumpiska rito ang ilang computers, modems at iba pang machines at gadgets sa nasabing iligal na operasyon.
Umamin si Alforque sa NBI na nahimok siya ng Pakistani na naka-chat niya na magtayo ng conversion facility at pinadala umano sa kanya ang mga gamit.
Sinabi ni Alforque na nasa P30,000 ang kinikita niya kada-buwan. Nakatakdang isampa laban kay Alforque ang kasong paglabag sa Republic Act 8792 o E-Commerce Law.
- Latest
- Trending