MANILA, Philippines - Isang Filipino-Chinese trader ang napatay nang tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspect habang papalabas ng gate ng kanyang bahay kahapon ng umaga, sa Tondo, Maynila.
Isinugod pa sa Tondo General Hospital ang biktimang si Frederick Mercado Pamillio, 51, supplier ng prutas at gulay sa Philippine Airlines (PAL) sa Ninoy Aquino International Airport at residente ng Gamban St., Balut, Tondo, Maynila pero hindi na umabot nang buhay.
Ayon kay Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, posibleng hired killers ang dalawang suspect na tumakas matapos ang pamamaril.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-7:40 ng umaga nang maganap ang insidente sa tapat mismo ng bahay ng biktima.
Isang helper ng biktima ang nagsabing binuksan pa niya ang gate nang lumabas ang amo na lulan ng kulay puti na Hyundai van (ZMS 743) nang lapitan ng mga suspect at paputukan at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa naganap na pamamaslang.