Guro ginulpi ng kapamilya

MANILA, Philippines - Isang guro ang pinagtulungang gulpihin ng kanyang mga magulang at kapatid matapos itong magpaalam na makikipag-live-in na sa kanyang boyfriend na isang German national kamakalawa ng gabi sa Caloocan City. Kinilala ang biktimang si Precious Calamaya-Naturales, 23, dalaga, ng Celina Homes, Camarin, ng nabanggit na siyudad na nag­tamo ng maraming sugat at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa kanyang kapamilya. Nahaharap naman sa kasong physical injuries ang kanyang mga magulang na sina Alexiz, 47; at Lea, at kapatid na si Jasser, 24. Sa reklamo ng dalaga sa Women’s and Children Protection Desk (WCPD) ng Caloocan City Police, dakong alas-6 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng kanilang bahay. Ayon sa biktima, mahinahon siyang nagpaalam sa kanyang ina na makikisama na sa kanyang boyfriend na German national at iiwan na nito ang kanyang Canadian na kasintahan. Sa halip na makarinig ng payo mula sa kanyang ina, ay pinagtatalakan na ito, sinabunutan at pinagsasapak at tumulong pa sa pananakit ang tatay at kuya . “Gusto po kasi nila yung Canadian citizen, ayaw po nila yung German kasi daw po matanda na sa edad na 60,” ani pa ni Precious. Dahil dito, agad namang nagtungo sa nasabing himpilan ng pulisya ang biktima para ireklamo ang mga magulang at kapatid.

Show comments