MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang isang doktor na armado ng baril at isang dating sundalo na armado naman ng patalim makaraang magduelo matapos na magtalo dulot ng maingay na inuman ng huli sa tinitirhan nilang gusali, kahapon ng madaling araw sa Taguig City.
Dead-on-the-spot ang 35-anyos na si Rommel Salarda, dating miyembro ng Philippine Army, at naninirahan sa Unit 409 Building 1 MRB Diego Silang, C5, Brgy. Ususan, ng naturang lungsod.
Nalagutan naman ng hininga dakong alas-12 ng tanghali sa Medical City Hospital sa Pasig City si Dr. Frank Grego Sr., dahil sa tinamong saksak sa katawan.
Naaresto naman ng pulisya si Frank Grego Jr., anak ng doktor na kasamang lumusob sa tapat ng building unit ni Salarda.
Sa inisyal na ulat ng Taguig City Police, sinabi ni Raquel Salarda, misis ng nasawing si Rommel, na nag-iinuman ang kanyang mister at mga kaibigan na sina Richard Pamin at Eddie Boy Guinoo dakong alas-2:40 ng madaling-araw nang makarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril.
Nang kanyang puntahan, dito niya nakita ang asawa na duguang nakabulagta sa ikalimang palapag ng gusali. Sinabi naman ng isa pang saksi na si Lenlen Caugiran na nakita niya si Dr. Grego sa aktong pinapuputukan ng baril si Salarda.
Sa dagdag na imbestigasyon, nabatid na tinungo ng mag-amang Grego ang lugar ng pinag-iinuman nina Salarda matapos na magalit dahil sa matinding ingay ng mga ito kahit madaling-araw na. Dito nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa undayan ng saksak ni Salarda si Dr. Grego na nagawa namang makaganti at paputukan ang dating sundalo.
Agad namang isinugod ng mga kaanak ang doktor sa Medical City sa Pasig City kung saan binawian rin ito ng buhay matapos ang siyam na oras.
Narekober naman ng pulisya sa lugar ng krimen ang duguang patalim na hawak ni Salarda at siyam na basyong bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.