Bangkay ng engineer, nalambat ng mangingisda
MANILA, Philippines - Isang masusing imbestigasyon ngayon ang isinasagawa ng mga tauhan ng Navotas Police Station makaraang malambat ng isang mangingisda ang bangkay ng isang inhinyero na lumutang sa dagat, kamakalawa ng hapon.
Ang biktima na ngayon ay nasa Marcelo Funeral Homes sa Navotas ay nakilalang si Joseph Ebosco, Civil Engineer ng Makati Development Corporation, at tubong Bataan.
Ayon sa mangingisdang si Sonny Reyes, bandang alas-5:00 ng hapon nang malambat niya sa Wawa Tangos ang bangkay ng biktima.
Una niyang inakala na naka-jackpot na siya sa bigat ng lambat ngunit nagimbal nang bangkay ng lalaki ang bumulaga sa kanya.
Agad namang pumunta sa pampang at iniulat ni Reyes ang insidente sa pulisya na kumuha sa naturang bangkay.
Mabilis namang nakilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang PRC license bilang isang civil engineer. Hindi naman nakitaan ng anumang sugat sa katawan ang biktima bilang palatandaang pinatay ito at itinapon sa dagat.
May hinala ang pulisya na nalunod ang biktima nitong Biyernes sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan at tinangay ang katawan nito papuntang Navotas matapos na mabatid na pauwi na ito ng Bataan at sumakay sa Ferry boat mula sa Makati.
- Latest
- Trending