Billboards isi-censor na ng MMDA
MANILA, Philippines - Isasailalim na sa censorship ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga ikakabit na billboards sa Metro Manila kasabay ng pagbuo ng komite na susuri at magtatakda ng mga regulasyon sa mga larawan na ilalagay ng mga advertisers.
Ang naturang hakbang ay bunsod ng kontrobersiyang idinulot ng pagbabaklas ng billboards ng rugby team na Philippine Volcanoes na may suot lamang na “skimpy briefs” sa EDSA-Guadalupe noong nakaraang linggo.
Pamumunuan ni Marikina Mayor Del De Guzman ang komite, kasama sina Fr. Roderick Castro, ang parish priest ng National Shrine of Our Lady of Guadalupe at MMDA Assistant General Manager for Planning at tumatayo ring tagapagsalita ng ahensiya na si Tina Velasco.
Ayon kay MMDA Chair man Francis Tolentino, layunin ng binuong komite na makapagtakda ng tamang regulasyon sa paglalagay ng mga advertiser ng larawan ng mga billboards na hindi lamang para ipakilala ang produkto kundi kailangan ding makapaghatid ng wastong mensahe, may dangal at disente at hindi magdudulot ng negatibong asal lalo na sa mga kabataan.
Bukod sa pagsunod sa National Building Code, nais din ng ahensiya na mabigyan ng regulasyon ang mga ilalagay na larawan.
Nirerespeto umano nila ang nais ng mga advertisers na sa kanila manggaling ang regulasyon sa kanilang mga ads ngunit kailangan ring makialam ang pamahalaan.
Aniya, kailangan dito ay expanded self-regulation kung saan kasama ang pamahalaan, ang local government units, consumer groups, religious sector at ang advertising industry.
Tiniyak pa ni Tolentino na palalawakin pa rin nila ang pakikipagtalakayan sa Outdoor Advertising Association of the Philippines (OAAP) at sa Philippine National Association of Advertisers (PANA) upang maresolba ang usapin.
- Latest
- Trending