MANILA, Philippines - Natuluyan sa ikalawang pagkakataon ng pagpapakamatay ang isang 57-anyos na dating foreman sa construction, nang matagpuan itong nakabigti sa loob ng kanyang bahay sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section ang biktimang si Faustino del Socorro, tubong-Bula, Camarines Sur at residente ng #2562 Pasig Line St., Sta. Ana, Maynila.
Sa ulat ni SPO3 Gerry Rivera, dakong alas-10:40 ng umaga nang madiskubre ng anak na si Catherine, 23, ang kanyang ama na nakabigti ng nylon cord sa loob ng silid na nasa ika-2 palapag ng kanilang bahay. Hindi na rin naisalba pa ng mga doktor ng Sta. Ana Hospital ang biktima na idineklarang patay dakong alas-11:05 ng tanghali.
Ayon sa ulat, madalas magselos ang biktima at naging bugnutin dahil matagal nang nawalan ng trabaho bilang foreman sa construction company.
Posibleng iniisip ng biktima ang umano’y kanyang pagiging pabigat habang ang misis nito ang namamasukan bilang utility sa isang kumpanya sa Makati City.
Sinabi ng pamilya ng biktima na sa unang pagtatangka ng biktima ay uminom ito ng maraming gamot na sanhi ng overdose subalit nalapatan pa ito ng lunas nang isugod sa ospital.