MANILA, Philippines - Tiniyak ni Mayor’s Complaint and Action Team chief Ret. Col. Franklin Gacutan na patuloy ang kanilang ginagawang monitoring sa mga lugar sa lungsod kung saan nagbebenta ng mga pirated DVDs.
Ang paniniyak ay ginawa ni Gacutan, matapos ang pagsunog sa may P10 milyong halaga ng mga piniratang DVDs na sinurender ng mga vendors sa Quiapo noong nakaraang Linggo.
Ayon kay Gacutan, layunin ng lungsod na maging ‘pirated free’ ang lungsod matapos lumabas ang report na isa ang Quiapo sa mga notorious market sa lungsod.
Sinabi ni Gacutan na patuloy din ang kanilang koordinasyon sa mga barangay chairman na siyang nakasasakop at nakakaalam ng mga lugar na bentahan ng mga iligal.
Aniya, dapat na makipagtulungan ang mga barangay chairman sa kanilang tanggapan upang mas mapadali ang paglilinis ng mga iligal.
Umapela rin si Gacutan sa mga vendor na sundin na lamang ang batas upang maiwasan ang anumang karahasan dahil handa naman ang city government na tulungan ang mga apektadong vendors ng pirated DVDs.