MANILA, Philippines - Resbak o paghihiganti ang nakikitang motibo ng mga awtoridad sa pamamaril at pamamaslang sa administrative staff ni Manila Vice Mayor Isko Moreno noong Huwebes ng umaga sa Tondo, Maynila.
Ito ang napag-alaman mula kay Manila Police District-Homicide chief, Insp. Armand Macaraeg kung saan sinasabing nakaaway ng kapatid ng biktimang si Jonathan Ignacio, 37, ang kapatid ng suspect.
Kasabay nito, tukoy na rin ng pulisya ang gunman na kasalukuyan ay nagtatago na sa batas.
Ang suspect ay matagal nang kapitbahay at kaibigan din ng biktima sa dati nitong bahay, bago pa ito lumipat sa Prudencio St., sa Tondo.
Base ito sa inilahad ng anak ng biktimang 16-anyos na binatilyo na nakakita sa suspect nang barilin ang ama.
Posibleng ang kapatid na lamang ang ginantihan dahil ang hinahanting na namaril sa kapatid naman ng suspect na hindi nito matiyempuhan.
Hindi pa idinetalye ni Macaraeg ang insidente ng shooting incident sa pagitan ng kapatid ng suspect at kapatid ng biktima.
Matatandaang noong Huwebes, dakong alas 5:15 ng umaga nang dumating ang biktima mula sa pakikipag-inuman sa mga kaibigan at katutulog pa lamang nang dumating ang suspect.
Dito ay inakyat sa kuwarto na nasa ika-2 palapag, pinagbabaril gamit ang armalite ang biktima bago tumakas sakay ng motorsiklong minamaneho ng isa pang suspect.
Iniimbestigahan din ng Homicide kung sino ang huling nakasama ni Ignacio bago ito nakauwi ng bahay.
Isinantabi naman ni Macaraeg na away pulitika ang anggulo bagamat pinag-aaralan pa ang iba pang maaring motibo sa krimen.
Tiniyak naman ni Moreno na bibigyan niya ng tulong pinansyal ang naulila ni Ignacio.