MANILA, Philippines - Patay ang isang dating barangay chairman makaraang pagbabarilin habang nasa pilahan ng pamasadang tricycle sa Binondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang nasawi na si Ronald Acampano, 46, kasalukuyang liason officer ng NBG Marine Trading and Services at part-time tricycle driver, at residente ng Baseco Compound, Port Area, Maynila. Dati itong Punong Barangay ng Brgy. 656 Zone 69.
Mabilis namang tumakas ang hindi pa nakikilalang salarin matapos ang isinagawang krimen.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng C.M. Recto Avenue at Tabora St., sa Binondo sa pila ng mga tricycle sa nabanggit na lugar.
Matapos ang pamamaril sa biktima naisugod pa ito sa pagamutan subalit hindi na rin umabot pang buhay.