MANILA, Philippines - Sinamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang may 2.9 million Hong Kong dollar o katumbas na P11.291 million sa dalawang Korean nationals nang hindi nila ideklara ang dala nilang salapi matapos silang manggaling sa Macau via Hong Kong sakay ng Philippine Airlines flight PAL 311 kahapon ng madaling-araw.
Ang dalawang Korean nationals ay nakilalang sina Kim Sungh Je at Myung Chankug.
Ayon sa ulat, tinanong ng dalawang custom examiner ang dalawang Koreano kung may idideklara silang dala-dalahin pero sumagot ang mga ito ng wala kaya naman pinabuksan ang mga dala nitong duffle bag at tumambad ang mga perang itinatago ng dalawa.
Napag-alaman na ang dalawang dayuhan ay galing sa casino sa Macau at sinasabing ang perang dala nila ay napanalunan nila kaya naman sila ay dumayo sa bansa para muling maglaro.
Ang naging problema lamang ng dalawa ay ang ginawa nilang pagsisinungaling sa customs examiners ng tanungin sila ng mga ito.
Gayunman, ipaghaharap ng kaso ang dalawa sa Pasay City Prosecutor’s Office dahil sa paglabag sa mga regulasyon at alintuntunin na ipinatutupad ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa hindi nila pagdedeklara ng dala nilang salapi.