MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang mag-asawa matapos sumalpok sa isang dump truck ang sinasakyan nilang motorsiklo kahapon ng madaling araw sa Valenzuela City.
Kinilala ang mga biktimang sina Antonio 32 at Grace Bio, 31, nakatira sa Bancal, Meycauayan, Bulacan.
Sumuko naman sa pulisya ang driver na si Arcenio Golgota, 45, ng Brgy. Coloong I, Valenzuela City.
Ayon sa report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12:45 ng madaling araw sa kahabaan ng Mac Arthur Highway, Brgy. Dalandanan, ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na magka-angkas ang mag-asawang biktima sa kanilang Rusi Motorcycle kung saan pagsapit sa naturang lugar ay huli na bago nakontrol ang preno ng motorsiklo at sumalpok sa kasalubong nilang dump truck (RER-458) na minamaneho naman ni Golgota.
Sa sobrang lakas ng salpukan, tumilapon ang mag-asawa. Isinugod pa ang mga ito sa pagamutan subalit hindi na rin naisalba pa ang buhay.