MANILA, Philippines - Walang plano si suspended Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan na maging state witness laban sa iba pang mga akusado sa Maguindanao masaker lalo na laban sa kanyang ama na si Andal Sr. at kapatid na si Andal Jr.
Sinabi ni Atty. Redemberto Villanueva, abogado ni Zaldy, pinabubulaanan nila ang mga ulat na ang kanyang kliyente ay pumapayag na maging state witness sa kaso.
Si Zaldy ay hindi pa rin nababasahan ng sakdal hanggang sa kasalukuyan mula nang simulan ang arraignment sa kaso noong Enero 2010 dahil sa isang pending case sa Court of Appeal na humihiling na alisin ang kanyang pangalan sa talaan ng 197 katao na kinasuhan ng 77 counts ng murder.
Ayon kay Zaldy siya ay nasa Maynila noong panahon nang maganap ang masaker at siya ay nasa Davao City noong panahon na ang masaker umano ay planuhin.