Sinibak na enforcer ng MMDA, huli uli sa kotong

MANILA, Philippines - Nadakip ng mga tauhan ng pulisya ang isang dating traffic enforcer ng MMDA na sa kabila ng pagkakasibak sa trabaho ay patuloy pa rin ang pagsusuot ng uniporme at pangingikil kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Nahaharap ngayon sa kasong usurpation of autho­rity ang suspek na si Kliffor Bulingking, 37, ng Block 126 Lot 2 Karangalan St., Cainta, Rizal. Hindi naman sinampahan ng kasong extortion ang suspek makaraang hindi na maghain ng reklamo ang dayuhang tinangka nitong biktimahin na hindi na rin opisyal na nagpakilala sa pulisya.

Sa ulat ng Pasay police, nadakip ang suspek dakong alas-7 ng gabi sa kanto ng Roxas Boulevard at EDSA ng mga tauhan ng MMDA Task Force Lawin.

Nabatid na pinara umano ni Bulingking ang behikulong sinasakyan ng dayuhan dahil sa paglabag sa number co­ding. Napansin naman ng mga tauhan ng Task Force Lawin ang pagtatalo ng suspek at ng dayuhan kaya tinungo nila ito hanggang sa madiskubre buhat sa biktima na pilit umano siyang hinihingan ng pera ng enforcer.

Nang hingan naman ng identification card upang patunayan na miyembro pa ito ng MMDA, walang maipakita si Bulingking sanhi upang dito na ito arestuhin ng mga pulis at dalhin sa Pasay City Police Headquarters.

Nabatid naman sa rekord ng pulisya na posibleng matagal na itong ginagawa ni Bulingking dahil sa may dati na itong kaso ng pangingikil at pagpa­panggap na miyembro ng MMDA. Noong Abril 20, nadakip na si Bulingking sa kanto ng EDSA at Cabrera St. dahil din sa pangingikil.

Show comments