Alitan sa negosyo: 3 bulagta
MANILA, Philippines - Patay ang isang magkapatid makaraang pagbabarilin ng isang lalaki na nasawi rin sa isang rambulan na nag-ugat sa alitan umano sa negosyo sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police, ang mga nasawi ay kinilalang ang magkapatid na sina Reynold, 32, at Ronald Sagun 34, ng Matapang St., Brgy. Payatas sa lungsod at Antonio Tamayo, 47, ng Litex Road, Brgy. Payatas sa lungsod.
Naganap ang insidente sa may kahabaan ng Doña Nicasia St., Brgy. Payatas ganap na alas-11:20 ng gabi habang nakatayo umano ang magkapatid sa lugar kasama ang ilang kaibigan ng dumating si Tamayo na armado ng kalibre 45 baril.
Dito ay agad na pinaputukan ni Tamayo si Ronald na tinamaan sa kanang balikat. Nang makita naman ni Reynold ang pangyayari ay agad na sinaklolohan ang kapatid at inatake ng saksak si Tamayo sa dibdib.
Ngunit kahit sugatan si Tamayo ay nagawa pang paputukan nito si Reynold na tinamaan sa kaliwang dibdib at braso dahilan para kapwa sila duguang humandusay sa kalye.
Business rivalry ang sinisilip na ugat ng naturang insidente dahil kapwa mga nagbebenta umano ng tingi-tinging krudo ang mga nasawi. Gayunman, patuloy pa ang imbestigasyon na isinasa gawa ng pulisya.
- Latest
- Trending