Crane sa construction bumigay, obrero patay
MANILA, Philippines - Isang construction worker ang nasawi makaraang mahagip ng bumagsak na bahagi ng crane sa isang ginagawang condominium sa lungsod Quezon kahapon.
Sa inisyal na impormasyong ibinigay ni PO1 Mudjackil Nassal ng Station 12 ng QCPD, nakilala ang biktima na si Russel Langris o Russel Lotino, ayon naman sa kanyang mga kasamahan, nasa edad 30 na ang nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Quirino Memorial Medical Center.
“Ayaw kasing papasukin ang mga pulis natin sa lugar kaya hirap tayong makakuha ng impormasyon,” sabi ni Nassal.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa ginagawang condominium sa may Le Grande, Megaworld Corp. sa Eastwood City, partikular sa panulukan ng Economia St. at Palm St., Brgy. Bagumbayan ganap na alas-11:30 ng umaga.
Sinasabing kasalukuyang nagtatrabaho ang biktima sa ika-18 palapag ng gusali nang biglang bumagsak ang crane na nasa itaas at tamaan ang una ng bahagi nito.
Ayon sa ilang kasamahan ng biktima, may karga umano ang crane at naputol ang kable nito kung kaya bumagsak, saka humampas sa hambang bakal bago tuluyang nahagip ang biktima at magtamo ng matinding pinsala sa kanyang katawan.
Agad namang isinugod ang biktima sa naturang ospital subalit binawian din ito ng buhay.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending