MANILA, Philippines - Apat na pinaniniwalaang mga karnaper ang nasawi habang nakatakas naman ang isa nilang kasamahan sa naganap na shootout kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Isa pa lamang sa apat na nasawi ang nakikilala na ito ay si Michael Decano, 34, ng Bagong Nayon 11, Quezon City, habang inaalam pa ang pangalan ng tatlo.
Sa inisyal na report ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:00 ng madaling-araw sa kahabaan ng 12th Avenue, panulukan ng Biglang Awa St., Barangay 96-97, Caloocan City.
Nabatid na kasalukuyang nagsasagawa ng checkpoint ang mga operatiba ng Anti-Carnapping Unit sa pamumuno ni Senior Insp. Allan Emlano nang mapansin ng mga ito ang isang kahina-hinalang taxi na Vios na Se7en 99 (TYU-560).
Padaan na ito sa checkpoint subalit biglang umiwas at humarurot ng takbo dahilan upang habulin ito ng mga awtoridad.
Habang papalapit ang mga pulis, bigla na lamang nagbabaan sa taxi ang limang kalalakihan na pawang mga armado ng mga baril at sabay-sabay pinaputukan ang mga pulis.
Dahil dito, gumanti rin ng putok ang mga pulis at matapos ang ilang minutong barilan, bumulagta sa kalsada ang mga duguang suspek.
Napag-alaman na bago naganap ang insidente, nakatanggap ng impormasyon ang Tactical Operation Center (TOC) ng Caloocan-PNP hinggil sa isang taxi na kinarnap ng limang hindi nakikilalang lalaki sa kahabaan ng A. Mabini St., Maypajo ng nasabing lungsod.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ang naturang kaso.