MANILA, Philippines - Isinailalim na kahapon sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office ang isang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) na itinuturong responsable sa pagpapaputok ng baril na tumama sa limang katao sa gitna ng idinaos na “Battle of the Band” sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng madaling-araw. Nabatid na 4 counts of frustrated homicide at paglabag sa Article 155 (Alarm and Scandal) ang iniharap sa suspect na si PO1 Brian Jay Fajardo, ng Sampaloc,Maynila na kasalukuyang pinipigil sa Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAS). Kabilang sa nasugatan na nagtamo ng bala sa iba’t ibang bahaging katawan, kabilang sa dibdib, likod, naputulan ng kamay at tama sa hita sina Cristina Pagaymon, 58; Catherine del Mundo,19, estudyante; Arnel Dechoso, 29; Janno King Interno, 21 at Mara Baviera,19. Apat ang sinasabing inoobserbahan dahil sa maselang kalagayan sa UERM Hospital, Ospital ng Sampaloc at Philippine General Hospital (PGH) habang ang isa ay minor injury lamang. Nabatid na bunga ng sagupaan ng magkalabang gang sa lugar, habang marami ang nonood sa patimpalak ng iba’t ibang banda kaugnay sa kapistahan ay nagpaputok umano ng service firearm ang nasabing pulis upang masawata ang kaguluhan na aksidente umanong tumama sa mga naroroon.