MANILA, Philippines - Kapwa sugatan ang isang ina at sanggol nitong anak nang sumiklab ang sunog na lumamon sa luma na nilang bahay, kahapon ng tanghali sa Pasay City.
Isinugod sa Pasay City General Hospital makaraang magtamo ng 1st degree burn sina Cejay Lawrence Padilla, 25 at sanggol na anak na si Crizel, 1-anyos nang makalabas sa nasusunog nilang tirahan sa 664 Dimasalang St., Brgy 116 Zone 14, sa naturang lungsod.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, dakong alas-12:30 ng tanghali nang sumiklab ang apoy sa kabila ng pag-ulan sa lungsod ng Pasay. Naapula naman ito ng mga rumespondeng bumbero matapos ang halos isang oras. Hindi naman kumalat sa iba pang kadikit na kabahayan ang sunog nang magtulong-tulong ang magkakapitbahay na apulahin ang apoy bago pa man dumating ang mga kagawad ng Pasay city fire department. May hinala naman si Barangay Captain Ernesto Lescano na sanhi ng hindi maayos na linya ng kuryente ang sanhi ng nangyaring sunog.