2 parak nagbarilan dahil sa gitgitan sa trapiko
MANILA, Philippines - Dalawang Quezon City police ang nagbarilan dahil lamang sa simpleng problema sa trapiko, kung saan isa dito ang nasugatan kamakalawa sa Quezon City.
Sa inisyal na ulat ng Police Station 6 ng QCPD, nakilala ang nasugatang parak na si SPO1 Byron Antonio, nakatalaga sa District Police Intelligence Unit ng QCPD sa Camp Karingal. Siya ay ginagamot ngayon sa Chinese General hospital bunga ng tama ng bala sa kanang pigi.
Si Antonio ay nabaril umano ng pulis na si PO1 Dave Carlos Santos, 26, nakatalaga sa Special Weapon and Tactics (SWAT) sa nasabing kapulisan.
Sinasabing nangyari umano ang insidente sa may Sto Domingo St., Brgy. Holy Spirit ganap na alas-7 ng gabi matapos na magkaroon umano ng komprontasyon ang dalawa makaraang magkagitgitan ang mga dala nilang motorsiklo.
Mula dito ay nagbunot umano ng baril si Antonio sanhi para umalis si Santos. Pero makalipas ang ilang minuto ay bumalik kasama ang iba pang grupo ng SWAT at nagkaroon ng engkwentro na ikinasugat ni Antonio.
Samantala, ayon naman sa ginawang pagsisiyasat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) base sa bersyon kay Antonio, nangyari ang insidente habang nakatayo umano siya sa harap ng kanyang bahay at sumulpot ang isang puting sasakyan at agad siyang pinaulanan ng bala sanhi para tamaan siya sa kanang pigi.
Nagawa rin umanong makatago ni Antonio sa pag-aakalang ambush ang pangyayari at gumanti na rin siya ng putok kahit sugatan.
Ayon naman kay Santos, rumesponde umano sila sa lugar kasama ang lider na si PO2 Nelson Abejo matapos na makatanggap ng text messages hinggil sa umano’y kahina-hinalang tao na gumagala sa lugar, pero pagsapit nila dito ay pinaputukan na sila kaya nagkaroon ng engkwentro.
Ang naturang insidente ay nakarating na sa tanggapan ng QCPD director Chief Supt. George Regis kung saan nakatakdang pagpaliwanagin ang dalawa kung ano ang tunay na nangyari dito.
- Latest
- Trending