2 kelot todas sa sariling baril
MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang kapwa nasawi sa pamamagitan ng kanilang sariling baril nang isa ang magbaril dahil sa pag-iwan ng kanyang misis habang isa naman ang namatay nang paglaruan ito, sa magkahiwalay na insidente sa Caloocan at Pasay City.
Sa ulat ng Caloocan police, dakong alas-2:50 kahapon ng madaling-araw nang magpatiwakal ang 32-anyos na si Mark Cesar Gutierez sa loob ng kanyang bahay sa may Malolos Avenue, East Bagong Barrio.
Mag-isa umanong umiinom ng alak ang biktima sa kanyang bahay dahil sa pagiging aburido matapos iwan ng kanyang misis nang isagawa ang sinasabing pagbaril sa sarili. Narekober ng pulisya ang kalibre .38 baril na hinihinalang ginamit sa pagpapatiwakal.
Dakong ala-1 kamakalawa naman ng hapon nang masawi ang 33-anyos na obrero na si Vicente Roca.
Nabatid na nakikipag-inuman ito sa mga kasamahan sa trabaho sa harap ng kanyang bahay sa no. 738 E. Rodriguez St., Brgy. Malibay, Pasay.
Makalipas ang isang oras, inilabas umano nito ang kanyang kalibre .38 baril at inumpisahang mag laro ng “Russian roulette”.
Unang itinutok ng biktima ang baril sa paa ng isa sa kainuman at kinalabit ang gatilyo ngunit masuwerte na hindi natiyempo sa bala.
Sunod na itinutok ng biktima ang baril sa sentido nito saka kinalabit ang gatilyo ngunit minalas ito na natapat sa kanya ang bala na dumiretso sa kanyang ulo.
Hindi na umabot ng buhay sa San Juan de Dios Hospital ang biktima.
- Latest
- Trending