MANILA, Philippines - Dahil sa matinding selos, isang dalaga ang napatay sa bugbog ng kanyang live-in partner kahapon ng umaga sa lungsod Quezon.
Kinilala ni SPO1 Aldem Lassam ng QCPD-Police Station 6 ang biktima na si Nelin Boclis, 33, ng No. 187 Ilang-Ilang St., Payatas, Quezon City habang arestado naman ang suspect na si Robert Orale, 34, janitor.
Ayon sa imbestigasyon, ang biktima ay natagpuan na lamang walang buhay ni Jerome Paglinawan, 12, dakong alas-5 ng umaga.
Bago nito, nakipag-inuman umano ang biktima sa kanyang kaibigang si Monica noong Sabado ng gabi hanggang sa magpasya umano ang una at si Monica na makitulog sa bahay ni Paglinawan sa no. 341 Ilang Ilang St.
Dahil hindi umuwi sa kanilang bahay, nagselos ang suspect at ganap na ala-1 ng madaling-araw ay nagpasya itong sundan ang biktima sa nasabing bahay na lango sa alak at kinompronta ang biktima.
Dito na pinagbubugbog ng suspect ang biktima at nang makita nakahandusay na ang biktima, agad ding umalis ang suspect.
Laking gulat naman ni Paglinawan nang mapansin kahapon ng umaga na hindi na humihinga ang biktima.
Sa follow-up operation ng PS6 ay agad na nadakma ang suspect at dinala sa nasabing himpilan para sa imbestigasyon.
Ang kaso ay nakatakdang iturn over ng PS6 sa himpilan ng Criminal Investigation and Detection Unit para sa masusing pagsisiyasat at paghahanda sa kasong isasampa laban sa suspect.