MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P6 milyong halaga ng kagamitan ang napinsala nang masunog ang isang bahagi ng tanggapan ng Department of Public Works and Highways sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay SFO3 Re nato Gallego ng Bureau of Fire Protection ng Quezon City, nasunog ang maintenance division ng DPWH region 4-A na matatagpuan sa NIA Road, Brgy Pinyahan ganap na alas- 4:30 ng madaling-araw.
Diumano bigla na lamang nagliyab ang bahagi ng kusina ng nasabing tanggapan hanggang sa lumaki ito at umabot sa ikatlong alarma.
Gayunman, mabilis ding naapula ng mga pamatay-sunog ang apoy kung saan idineklara itong fire out pasado alas-6 ng umaga.
Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa nasabing sunog na base sa pagsisiyasat ng BFP ay maaring nagmula sa napabayaang nakabukas na gamit.
Patuloy ang pagsisiyasat ng BFP sa naturang insidente.