Mag-ina sinabuyan ng kumukulong mantika
MANILA, Philippines - Sugatan ang isang mag-ina matapos na sabuyan sa mukha at katawan ng kumukulong mantika ng kanilang kaanak dahil lamang sa pagtatalo hinggil sa paglalaba sa balon sa Marikina City kahapon ng umaga.
Lapnos ang mukha, dibdib at balikat ng biktimang si Estelita Obangbang, 56, habang lapnos din ang daliri at balikat ng anak nitong si Annalyn, 20, kapwa residente ng Gen. Ordoñez St., Marikina Heights, Marikina City, matapos na sabuyan umano ng kumukulong mantika ng kanilang kaanak at kapitbahay na si Evelyn Villaraza, 30.
Si Villaraza ay kasalukuyan nang pinipigil ng mga awtoridad ng Marikina City Police at nahaharap sa kasong physical injuries.
Batay sa ulat na natanggap ni P/Senior Supt. Gabriel Lopez, hepe ng pulisya, nabatid na naganap ang insidente dakong alas-9:00 ng umaga sa balon na malapit sa bahay ng mga biktima at ng suspek.
Sa reklamo ng mag-ina, naglalaba umano si Estelita nang lapitan ito ng suspek at pagbawalan na maglaba at gumamit ng tubig mula sa balon.
Nauwi umano sa mainitang pagtatalo at murahan ang naturang insidente, hanggang sa umuwi ang suspek.
Papauwi na rin naman ang mag-inang Obangbang, bitbit ang batya at mga labahin, nang harangin umano sila ng suspek at sabuyan ng kumukulong mantika na nakalagay pa sa kawali.
Isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang mga biktima kung saan nilapatan ng lunas ang mga paso at lapnos na tinamo.
Naniniwala naman si Jonna Obangbang na ginantihan lamang ng suspek ang kanyang ina at kapatid dahil siya umano ang unang nakaaway nito dahil lamang sa away ng mga bata.
- Latest
- Trending