Manila, Philippines - Nasawi ang isang 64-anyos na lolo makaraang paluin sa ulo ng isang tauhan ng towing company gamit ang bakal na pangkalso matapos na makipagtalo ang matanda nang tangkaing hatakin ang ipinarada niyang van sa Pasay City kamakalawa ng hapon.
Naisugod pa sa NAIA Medical Clinic ang biktimang si Alfonso Castano Sr., ng Sto. Niño, Parañaque City ngunit binawian rin ito ng buhay dahil sa pinsala sa ulo.
Pinaghahanap naman ngayon ng pulisya ang mga tauhan ng Sun Valley Towing Services na mabilis na tumakas nang mawalan ng ulirat ang matanda matapos hatawin ng pang-kalso sa gulong ng sasakyan.
Sa imbestigasyon, ipinarada ni Castano ang minamanehong L300 van (ZKD-621) sa kahabaan ng Ninoy Aquino Avenue malapit sa kanto ng Chapel Road dakong alas-2:30 ng hapon upang hintayin ang pagdating ng mga miyembro ng Congregation of Franciscan Sisters Adorers of the Holy Cross na magmumula sa NAIA Terminal 1 na kanyang susunduin.
Hindi pa nagtatagal si Castano sa pagparada nang dumating ang isang towing truck ng Sun Valley Towing Services, sakay ang may limang tauhan at kaagad na ikinasa ang paghatak sa van ng biktima.
Nakipagtalo umano ang matanda at ipinaliwanag na hindi puwedeng hatakin ang sasakyan dahil nakasakay naman siya at kung may paglabag ay dapat siyang tikitan.
Tumindi pa ang pagtatalo nang isa sa mga aroganteng lalaki ang humampas sa ulo ng biktima saka mabilis na nagsitakas.