Manila, Philippines - Ipinagpaliban ng Manila Regional Trial Court sa Agosto 1 ang pagbasa ng sakdal kay dating Sr. Supt. Michael Ray Aquino kaugnay ng Dacer-Corbito murder case noong Nobyembre 2000.
Ito’y matapos maglabas ng desisyon si Manila RTC Judge Thelma Bunyi-Medina na unahin ang isyu ng kustodiya para kay Aquino lalo’t pangunahing concern ang seguridad nito.
Ayon kay Atty. Manuel Bretana, nakabinbin ang kanilang petisyon sa korte na manatili sa National Bureau of Investigation (NBI) si Aquino at huwag ilipat sa Manila City Jail upang matiyak ang seguridad nito.
Kasabay nito, naghain din ang kampo ni Aquino ng motion for reinvestigation ng kaso sa Department of Justice upang alamin kung mayroong probable cause laban sa akusado.
Dahil dito, binigyan ni Medina ang panig ng state prosecutors ng 15 araw para magsumite ng kanilang komento hinggil sa naturang motion for reinvestigation.
Samantala, nanindigan pa rin si Aquino na wala siyang nalalaman sa kaso at walang anumang utos na nanggaling mula kina dating PNP chief Panfilo Lacson at dating pangulong Joseph Estrada.