MANILA, Philippines - Matapos na ma-extradite mula sa Estados Unidos, babasahan na ngayong umaga ng sakdal sa sala ni Manila Regional Trial Court Judge Myra Garcia-Fernandez si dating police Sr. Supt. Michael Ray Aquino kaugnay sa kontrobersiyal na Dacer-Corbito double murder case.
Ayon kay Aquino, umaasa rin siyang maaaprubahan na ng korte ang kanyang kahilingang manatili muna sa kustodiya ng National Bureau of Investigations (NBI).
Ito’y upang masiguro ang kanyang kaligtasan mula umano sa mga banta ng kanyang mga napakulong noong siya ay nasa Presidential Anti-Organized Crime Task Force.
Nabatid naman sa kampo ni dating police intelligence officer Cesar Mancao na maisasagawa sa lalong madaling panahon sa korte ang kanilang “face-off” ni Aquino. Muli namang iginiit ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Mancao, na hindi credible at hindi kapani-paniwala ang pahayag ni Aquino na wala itong kaugnayan sa pagdukot at pagpatay sa PR man na si Salvador “Bubby” Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito.
Ayon pa kay Topacio, maliban sa kanyang kliyente, nagpahayag na rin sa kanyang testimoniya ang isa pang suspect sa kaso na si dating Supt. Glenn Dumlao, hinggil sa kinalaman ni Aquino sa high-profiled political killing.