P350-M pirated/counterfeit products winasak
MANILA, Philippines - Umaabot sa P350 milyong halaga ng mga pekeng produkto ang winasak sa Camp Crame kahapon kaugnay ng puspusang kampanya laban sa counterfeit at piracy kung saan bilyong halaga ang nawawala sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Atty. Ricardo Blancaflor, Director General ng Intellectual Property Office (IPO), ang nasabing mga pekeng produkto ay nasamsam ng pinagsanib na operatiba ng PNP, NBI, Bureau of Customs (BOC), Optical Media Board at iba pang ahensiya sa serye ng operasyon sa Metro Manila.
Kabilang sa mga pinasagasaan at dinurog ng Armored Personnel Carrier (APC) ay ang mga pirated DVD’s, pekeng mga bags tulad ng Louis Vuitton, Oakley shades, Lacoste Shoes, Le Sportsac, pekeng gamot tulad ng viagra, glutathione capsule at iba pa.
Ayon sa OMB, patuloy ang kanilang operasyon laban sa piracy at counterfeiting kung saan bumaba na ang dating mataas na ranking ng Estados Unidos sa Pilipinas bilang tagasalo ng mga pekeng produkto.
Umaasa naman ang IPO na sa susunod na taon ay tuluyang mawawala sa talaan ng US piracy ang Pilipinas.
Aminado si Blancaflor na dahilan sa piracy at counterfeiting ay marami sa mga Pilipino ang nawawalan ng trabaho na ikinumpara ito sa identity theft habang delikado rin aniya sa kalusugan ang mga pekeng gamot.
- Latest
- Trending