Mag-amang Ampatuan, idiniin ng dating aide
MANILA, Philippines - Positibong kinilala at itinuro sa loob ng korte ng dati nitong aide si Andal Ampatuan Sr. at anak na si Sajid Ampatuan na kasama umano sa nagplano sa karumal-dumal na Maguindanao masaker.
Sa pagpapatuloy sa pagdinig sa naturang kaso, muling iprinisinta sa sala ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Reyes-Solis ng panig ng prosekusyon si Lakmodin Saliao, nagpakilalang malapit na aide ni Andal Sr., na una nang nagbigay ng testimonya na kasama umano ang akusado sa pagpaplano ng masaker.
Nang tanuning kung kaya nitong kilalanin ang mga akusado, positibong itinuro ni Saliao si Andal Sr. at anak nitong si Sajid na dumalo rin sa pagdinig.
Umapela naman ang panig ng depense nang ituro at kilalanin din ni Saliao ang abogadong si Art Loren Tan na nakaupo sa parehong inuupuan ng mga Ampatuan. Sinabi ni Saliao na si Tan umano ay kapatid ng asawa ni Sajid.
Hiniling naman ni Atty. Sigfrid Fortun na ilagay sa rekord ng korte ang ginawa ni Saliao sa pagkilala sa mga akusado. Sinabi nito na hindi kasama si Tan sa mga akusado kaya nila pinagdududahan ito.
Idinagdag pa ni Atty. Paris Real, abogado ni Sajid, na hindi rin kasama si Tan sa mga nabanggit ni Saliao nang magbigay ito ng testimonya noong Setyembre 8, 15 at 28, 2010.
- Latest
- Trending