Manila, Philippines - Isang 27-anyos na ginang ang namatay nang bugbugin umano ng kanyang dating live-in partner matapos na tumanggi ito na makipagbalikan sa Sampaloc, Maynila kamakalawa.
Nakilala ang nasawi na si Mercy Jontilla, ng Miguelen St., Sampaloc, sanhi ng multiple physical injuries secondary to mauling.
Tinutugis naman ng pulisya ang suspect na isang alyas “Larry,” dating live-in partner ng biktima, at umano’y driver ng pampasaherong jeep na mabilis tumakas matapos ang insidente
Dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima
Nauna rito, dumating sa inuupahang silid ang suspect at sinabihan nito ang kinakasama ng biktima na si Jerry Cayabyab na kung pwedeng makapag-usap lang sila ni Jontilla.
Pumayag naman umano si Cayabyab na lumabas at nagtungo muna ito sa kanyang kapatid sa hindi kalayuang lugar pero ilang minuto lang ang lumipas ay nakarinig na sila ng mainitang pagtatalo dahilan upang bumalik si Cayabyab sa bahay at doon na nga nakita ang duguang biktima. Mabilis namang tumakas ang suspect.