Mister iniwan ni misis, nagbigti

MANILA, Philippines - Dahil sa hindi makayanang labis na kalungkutan ma­tapos iwan ng kanyang misis, isang mister ang nagbigti kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Patay na nang matagpuan si Raul Estrada, driver at resi­dente ng Phase 5, Block 26, Lot 32, Bagong Silang ng nasa­bing lungsod ng kanyang kaibigan sa loob mismo ng bahay nito.

Base sa nakalap na impormasyon sa Station Investi­gation Division (SID) ng Caloocan City Police, dakong alas-7:55 ng gabi nang matagpuan ang katawan ng biktima na nakabigti.

Isang nylon cord ang ginamit ng nasawi sa pagbibigti na itinali nito sa biga ng kanilang bahay.      

Sa naging salaysay ng kaibigan ng nasawi na si Marcelo Adonis, bago ang insidente ay napansin nito si Estrada na hindi kumikibo at nang tanungin ay nalaman nito na hiniwalayan na pala ito ng kanyang asawa.

Kinagabihan ay nagtungo si Adonis sa bahay ng ka­ibigan ngunit gumulantang sa kanya ang nakabigting biktima na kaagad nitong ipinagbigay-alam sa pulisya.

Hanggang sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente kung may naganap na foul play dito.   

Show comments