MANILA, Philippines - Nakipagpulong kahapon si Manila Mayor Alfredo S. Lim sa mga punong barangay, mga konsehal sa anim na distrito ng lungsod upang matalakay ang pagresolba sa talamak na drug addiction sa halos lahat ng barangay dito.
Ang pulong ay kasunod ng nakarating na ulat sa alkalde mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsasabing siyento-por-siyento ng 897 barangay sa lungsod ay ‘drug affected’.
Hindi umano ito dapat ipagwalang-bahala, ani Lim, na dapat ay aksiyunan na upang makabawi sa ulat.
“Hindi pupuwedeng walang aksyon dahil ang magiging dating nun sa publiko ay kinukunsinti ninyo. Kung sakali naman na kayo ay may pinahuli at pagkatapos lang ng isang oras ay nakalabas na ulit, ipagbigay-alam n’yo rin sa nakatataas na kinauukulan,” ani Lim.
Nilinaw naman ni Lim na sa kaso ng mga menor-de-edad na drug offenders ay kailangang hindi ipiit kahalo ng adult prisoners.
Idinagdag pa nito na dapat ay isaisip ng mga barangay captain na ang isang ‘drug-free’ barangay ay hindi lamang responsibilidad ng kapulisan kundi maging sa mga namumuno sa bawat barangay sa pakikipagtulungan at suporta ng kanyang mga kagawad hanggang tanod.