Dominguez brother idiniin sa carjack/carnap
MANILA, Philippines - Itinuro kahapon ni Alfred Mendiola ang magkapatid na sina Roger at Raymund Dominguez na siyang utak sa ilang insidente ng carjack/ carnap sa bansa at nasa likod ng pagpatay sa car dealer na si Venzon Evangelista.
Ito ay makaraang humarap kahapon sa pagdinig ng korte sa sala ni QC RTC Judge Ma. Luisa Padilla ng Branch 215 ang akusadong si Mendiola, alyas Bading na nakasuot ng bullet proof vest at rosaryo nang personal na itinuro nito ang magkapatid na Dominguez na nagsilbing leader anya ng grupo.
Positibo ring itinuro ni Mendiola si Jayson Miranda, alyas Soy na nagpapanggap na mekaniko at umano’y nanutok ng baril sa kanilang biktima sa kalagitnaan ng road testing ng target na sasakyan.
Sa naturang pagdinig ay dumalo ang ama ni Evangelista na si Arsenio Boy Evangelista para subaybayan ang usad ng kaso ng kanyang anak.
Maging si Katrina Paula na kasintahan ni Raymond ay nandoon din sa korte para magbigay dito ng moral support.
Si Mendiola ay isa rin sa akusado sa naturang kaso ay nagpahayag na titestigo siya laban sa magkapatid na Dominguez na ibinunyag nito na dawit pa sa ilang insidente ng carjack at carnap sa bansa.
Bago ito, noong Sabado ay sinasabing pinasabugan ang selda ni Mendiola sa Bulacan jail, gayunman nagkataon na wala ito roon.
Sinasabing may banta na rin sa buhay nito, matapos ibunyag ang pagkakasangkot ng magkapatid sa ilegal na aktibidades.
- Latest
- Trending