MANILA, Philippines - Sasampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 9208 (Trafficking in Persons Act) ang dalawang roomboy ng isang motel at isang nagsilbi umanong ‘bugaw’ nang payagan nilang papasukin upang mag-check-in ang dalawang menor de edad, na naging dahilan upang mailugso ang puri ng dalagita, sa Sta. Cruz, Maynila, dahil hindi makauwi bunga ng malaking baha, na dulot ng bagyong Falcon, sa Sta. Cruz, Maynila noong Biyernes ng gabi.
Kabilang sa nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office ang isang itinago sa pangalang “Eunice”, 21, residente ng Tagaytay St., Quezon City at ang dalawa pang inarestong sina Albert Sambalilo, 25 at Leo Pasamonte, 29, kapwa binata at stay in workers sa Silver Star Lodging House na matatagpuan sa no. 2201, panulukan ng Rizal Avenue at Batangas St., Sta.Cruz, Maynila.
Inireklamo ng ina ng 15-anyos na itinago sa pangalang “Jenny” ang mga suspect nang aminin ng anak na may nangyari sa kanila ng kaniyang nobyo na itinago sa pangalang “Coco”, 16 anyos, residente ng Quezon City.
Nabatid na noong Hunyo 25, dakong 6:30 ng gabi nang magtungo ang grupo ni C/Insp. Anita Araullo, hepe ng Manila Police District-Women and Children’s Concern Division, sa nasabing motel para dakpin ang dalawang suspect.
Nabatid na si Eunice at ang boyfriend umano nito ay nagcheck-in sa nasabing motel habang ang dalawang menor de edad na si Jenny at boyfriend ay sa kabilang silid.
Apat silang hindi makauwi ng bahay dahil sa laki ng baha at malakas na ulan hanggang sa kumbinsihin umano ni Eunice si Coco na mag-check-in kasama ang biktima.
Una ay magkakasama sa kuwarto ang apat pero kinausap umano ni Eunice ang binatilyo na kumuha ng sariling kuwarto. Nang magalit ang mga magulang dahil inumaga ng uwi ang biktima, napilitang magtapat ng dalagita hingil sa nangyari sa kaniya.
Binitbit ang dalawang roomboy habang si Eunice ay nadakip matapos makipag-ugnayan sa barangay official ng QC ng kanilang lugar ang MPD.