MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding in tandem ang isang lalaki kamakalawa ng hapon sa Quezon City.
Dead-on-arrival sa Bernardino Hospital si Luis Reyes, 29, ng no. 11 San Pablo St., Brgy. Gulod, Novaliches sa lungsod.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang naturang mga salarin na mabilis na tumakas makaraan ang krimen.
Ayon kay PO3 Greg Maramag, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may Senading St., RP Gulod, Novaliches ganap na alas- 2:35 ng hapon.
Nabatid na naliligo umano sa ulan ang biktima nang biglang lumitaw ang mga suspect sakay ng isang motorsiklo. Agad na bumaba ang backrider sa motor at nilapitan ang biktima saka pinaputukan sa katawan.
Bagama’t sugatan, nagawa pang makatakbo papasok sa isang sari-sari store ng biktima upang makapagtago, pero sinundan siya ng suspect at muling pinagbabaril.
Matapos nito, agad na umalis ang gunman at sumakay sa naghihintay na kasamahang nasa motorsiklo at tumakas.
Sa pagsisiyasat ng awtoridad, narekober sa lugar ang tatlong bala ng kalibre 45 baril na ginamit ng suspect sa pamamaril sa biktima.