2 biktima ni 'Falcon' natagpuan
MANILA, Philippines - Dalawang lalaki na kinabibilangan ng isang helper ang pinaniniwalaang tinangay ng tubig sanhi ng pagbuhos ni ‘Falcon’ ang natagpuan kahapon sa magkahiwalay na lugar sa Metro Manila.
Putol na ang katawan ni Gomer Beltrano, helper ng no. 62 Sgt. Esguerra St., Brgy. South Triangle sa lungsod nang matagpuan sa may Mariblo bridge ng San Juan river na matatagpuan sa E. Rodriguez Sr. Blvd., Brgy. Damayang Lagi ng nabanggit ding lungsod.
Sa imbestigasyon ni PO3 Randy Bantillo ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, si Beltrano ay unang napaulat na nahulog sa manhole noong Biyernes ng alas-10 ng gabi sa may harap ng Bossing Naygie eatery sa nasabing lugar.
Sinasabing kasagsagan ng malakas na pagbuhos ng ulan noon at bubuksan sana ni Beltrano ang bintana ng tindahan nang biglang masira ang takip ng manhole kung saan siya nakatuntong dahilan para mahulog ito sa tubig at tangayin. Dahil sa lakas ng agos ng tubig agad na tinangay ang biktima at maglaho ito.
Personal namang kinilala ng anak ng biktima na si Mark Beltrano, ang bangkay ng kanyang tatay.
Samantala, isang bangkay din ng lalaki na nakasuot lamang ng underwear, may galos sa magkabilang braso at mukha ang lumutang sa Pasig River, na namataan ng isang sekyu sa Pandacan, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ang biktima sa edad na 40 hanggang 45, 5’4-5’5 ang taas, kayumanggi at katamtaman ang pangangatawan.
Sa ulat ni PO3 Giovanni Valera, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:00 ng madaling- araw, nang mamataan ng security guard na nakatalaga sa Pandacan oil depot ang lumulutang na bangkay na agad ipinaalam sa Philippine Coast Guard (PCG) upang maiahon.
Posibleng tinangay ni ‘Falcon’ ang biktima at hinampas ng malakas na alon na dahilan ng pagkakaroon ng mga galos at sugat. Lumutang lamang ang bangkay matapos humupa ang ulan. Tinatayang may tatlong araw nang babad ang bangkay dahil sa nakitang pamamaga nito. (Ricky Tulipat at Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending