MANILA, Philippines - Limang preso mula sa Pateros detention cell ang ang tumakas kasabay ng malakas na pag-ulan kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang mga tumakas na bilanggo na sina Antonio Reyes, Ruel Labios, Efren Constantino, Timoteo Lapera, pawang mga nahaharap sa kasong robbery.
Hindi naman pinangalanan ang isa pang presong nakatakas na umano’y isang menor-de-edad ngunit isinama sa selda ng mga nasa hustong gulang sa halip na nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa inisyal na ulat ng Pateros Municipal police, naganap ang pagtakas ng mga preso dakong alas-5 ng madaling-araw nang lagariin ng mga ito ang rehas na bakal ng selda.
Nabatid naman na kagagaling pa lamang sa inquest ng mga tumakas at wala pang commitment order.
Natuklasan lamang nila ang pagpuga ng mga preso nang magkaroon ng komosyon sa naturang selda dakong alas-5 ng madaling araw kung saan nakitang tanggal na ang rehas at nawawala na ang naturang mga bilanggo.
Isang masusing imbestigasyon naman ang ginagawa sa umano’y kapabayaan ng pulis habang isang manhunt operation na ang isinasagawa upang muling maaresto ang mga bilanggo.