MANILA, Philippines - Kasabay nang pagdiriwang ng Seafarer’s Day, nagbigay ng libreng sakay ang Metro Rail Transit (MRT) 3 para sa mga pasahero nitong seafarers kahapon. Nabatid na ang libreng sakay para sa mga seamen ay isinagawa simula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi. Kinailangan lamang ng mga seafarer na ipakita ang kanilang mga balidong seaman’s book sa service gate ng MRT station upang makakuha ng libreng sakay. Pinapipirma rin muna ang pangalan ng mga ito sa logbook ng security guard bago tuluyang isailalim sa baggage inspection. Layunin umano ng naturang libreng sakay na kilalanin ang kontribusyon ng mga seaman sa bansa.