MANILA, Philippines - Isang babae at isang lalaki ang natagpuang kapwa patay at palutang-lutang sa may Manila Bay sa magkahiwalay na insidente.
Unang nakita ang bangkay ni Ronald Dula, ng Dulo, Puting Bato, Tondo. Nabatid na ang nagmo-monitor sa sitwasyon na mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Manila Bay sa Pier 2, Port Area, Manila ang nakakita sa palutang-lutang na bangkay ni Dula dakong alas-3:00 ng hapon nitong Biyernes.
Nabatid na si Dula ay huling nakitang buhay ng kaniyang kapatid dakong alas-5:00 ng hapon noong Huwebes sa kasagsagan ng malakas na ulan at pagbayo ng hangin at nagtungo ito sa dagat para manguha ng tahong. Posibleng minalas na matangay ng alon at hangin ang biktima hanggang sa malunod .
Samantala, isa pang palutang-lutang na bangkay ng babae ang natagpuan sa breakwater, malapit sa Manila Yatch Club sa Malate, Maynila, kahapon ng umaga.
Tinatayang nasa edad 35 hanggang 40 anyos ang biktima, may bakas o peklat ng opera ang tiyan, mahaba ang buhok, nakasuot ng kulay dilaw na round neck t-shirt na may nakaimprentang “Dickies” at dark green na pedal shorts.
Dakong alas-7:30 ng umaga nang mamataan ng isang Rosalio Romo, security guard ng Manila Yatch Club, ang lulutang-lutang na biktima. Hinala ng mga operatiba ng MPD, may dalawang araw nang babad sa tubig ang bangkay na posibleng nalunod sa gitna ng malakas na pag-ulan dulot ng bagyong Falcon.