CAMANAVA nagmistulang dagat
MANILA, Philippines - Nagmistulang dagat ang malaking bahagi ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela City (CAMANAVA) area dulot ng walang tigil at malakas na pag-ulan kaugnay ng bagyong Falcon. Dahil dito, napilitan na ring isuspinde ng ilang lokal na pamahalaan ang trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno dito.
Sa Caloocan City hindi madaanan ng mga light vehicles ang mga kahabaan ng Maypajo, 10th Avenue, B. Serrano, Morning Breeze at General Tinio.
Sa Malabon City, lagpas tuhod ang baha at hindi madaanan ng mga light vehicles ang Borromeo St. sa Longos; Estrella St., sa Tañong; Merville Subdivision, sa Dampalit; Mesina st., sa Tinajeros; M. H. Del Pilar sa Santulan; Doña Juana st., sa Dampalit; Niugan; Catmon; Tugatog at Tonsuya. Kung saan inihayag ng pamunuan ng lungsod ng Malabon na suspendido ang pasok ng mga kawani dito, maliban lamang sa mga kawaning nakatalaga sa local disaster coordination council at rescue team.
Sa area ng Navotas ay hindi rin madaanan ng light vehicles ang M. Naval; Gov. Pascual; North Bay Boulevard, Lapu-Lapu Avenue; R-10, North Bay Boulevard South; North Bay Boulevard North; Navotas West; San Jose; Sipac-Almacen; Tanza at Tangos. Gayundin sa area ng Valenzuela City, lubog din sa baha ang M. H. Del Pilar; Arkong Bato; Palasan, Mabolo; T. Santiago sa Lingunan; Balangkas; Wawang Pulo; Tagalag; Bisig; Villa Pariancillo; Poblacion; Isla; Coloong at Pio Valenzuela sa Marulas.
- Latest
- Trending