MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon, magkasamang dumalo sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kasong Maguindanao massacre ang mag-amang Andal Ampatuan Sr. at Andal Jr. sa Quezon City Regional Trial Court branch 221 sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Ngunit ang dapat sana’y tagumpay sa panig ng prosekusyon sa pagsulpot sa pagdinig ng mag-amang Ampatuan ay napalitan ng pagkadismaya makaraang harangin ng panig ng depensa ang pagsalang sa “witness stand” ng sinasabing importanteng saksi na si Kenny Dalandag, na nagpakilalang miyembro ng private army ng mga Ampatuan.
Kinuwestiyon sa korte ni Atty. Andres Manuel, isa sa abogado ng mga Ampatuan, ang kakayahan ni Dalandag makaraang isa umano ito sa umamin sa kanyang kaugnayan sa masaker sa kanyang affidavit noong Disyembre 2009.
Sinabi naman ni Atty. Sigfrid Fortun, isa pang abogado ng mga Ampatuan, na hindi pa umano maaaring maging saksi si Dalandag dahil sa hindi pa nito napupunan ang mga pangangailangan na hinihingi base sa Rule 119 Section 17 ng Rules of Court.
Sinagot naman ito ng panig ng prosekusyon nang igiit ni Prosecutor Nestor Lazaro na ipinasok sa Witness Protection Program ng pamahalaan si Dalandag base sa Witness Protection Law at hindi ng Rule 199 ng Rules of Court. Balido umano ito at hindi na kailangan pang dumaan sa proseso ng korte dahil sa Department of Justice lamang ang kailangang magdesisyon.
Ngunit iginiit ni Fortun na magiging “premature” na gawing “state witness” si Dalandag dahil sa may nakabinbin pang mosyon sa Manila Regional Trial Court ang kanilang kampo na iginigiit na isama sa kaso ng masaker si Dalandag. Pinaboran naman ni Judge Jocelyn Reyes-Solis ang mosyon ni Fortun dahil sa may nakabinbin pa rin umanong mosyon sa kanyang sala si Andal Jr. na hinihiling rin na isama sa kasong kriminal si Dalandag.
Matapos ang pagdinig, iginiit ni Dalandag na gustong-gusto na niyang sumalang sa witness stand at maidiin ang mga Ampatuan.
Ayon naman sa panig ng prosekusyon, nakakatanggap umano ng pagbabanta sa kanyang buhay si Dalandag kaya nais na nitong maisiwalat ang kanyang nalalaman ukol sa masaker.
Kapwa tahimik naman ang mag-amang Ampatuan habang tumatakbo ang pagdinig sa kanilang kaso.