MANILA, Philippines - Ibinulgar kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maging ang mga lehitimong bus operators ay ilegal ring nagpapatakbo ng mga kolorum na bus.
Ito’y makaraang higit sa 50 mga bus ang na-impound ng MMDA sa panibagong kampanya ng ahensya laban sa mga kolorum. Dito umano nila nadiskubre ang pasimpleng operasyon ng mga lehitimong bus companies na nagsisingit ng mga bus units na walang prangkisa.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na karamihan umano sa mga bus na nahuli nila ay may rutang probinsya. Sinabi nito na ang mananakay na publiko ang maghihirap sa oras na masangkot sa aksidente ang mga kolorum na bus dahil sa walang makukuhang insurance ang mga ito.
Sa ulat ng MMDA, nitong Hunyo 16 lamang, nasa 48 provincial bus at anim na city buses ang kanilang na-impound sa impounding area nila sa ULTRA-1 sa Pasig City. Bukod dito, nasa 73 kolorum na mga taxi at “asian utility vehicles (AUVs)” ang na-impound ng MMDA Task Force Lawin at Safari.
Sa kabila nito, patuloy pa rin umano ang panghuhuli ng dalawang task force ng MMDA na nakatalaga sa mga istratehikong lugar sa kahabaan ng EDSA at ng Roxas Boulevard.